Reposted with permission Dondon Celestino Lanuza
1980 ako ipinanganak. Tatlong taon bago pinatay si Ninoy Aquino at anim na taon bago ang EDSA uprising. Taon ding ito nang nagkaroon ng malaking krisis sa langis ang buong mundo. P24.00 ang palitan ng dolyar sa piso at 48 milyon na ang populasyon ng Pilipinas. Ito rin ang taong unang pumunta ng Middle East ang tatay ko para magtrabaho.
Isang karpintero ang Tatay. Isang skilled worker. Malaki ang pangangailangan ng bansang pupuntahan ni Tatay sa mga katulad niya. Sabi ng Nanay mahirap daw ang buhay noong mga panahong iyon. Inabot na raw ang bansa ng economic depression na galing sa Europa at Amerika. Kaya minabuti ng Tatay na mag-abroad. Anupa't dalawa ang pinag-aaral niya at may bago na naman siyang bibig na pakakainin.
Parating pinapaalala sa amin ng Nanay na "nagtiis kaming magkahiwalay ng tatay ninyo para magkaroon tayo ng maginhawang buhay." Palibhasa'y parehas galing sa hirap, kaya siguro ganoon na lamang ang pananaw nila. Uuwi kada dalawang taon, tapos aalis na ulit pagkalipas ng dalawang buwan. Ganyan ang pattern ng buhay ng tatay ko.
Pumutok ang giyera sa Middle East noong 1989. Doon ko unang narinig ang mga salitang Operation:Desert Storm at Third Anti-Christ. Nandoon din si Tatay.
Isang beses lamang siya nakatawag sa loob ng tatlong taon niyang pagkaka-stranded sa bansang iyon. Mabuti naman daw ang lagay niya. May tirahan naman daw sila at husto sa lahat ng pangangailangan. Hindi naman daw sila gagalawin sa giyera sabi ng embahada ng Pilipinas dahil hindi naman daw sila kasali sa awayan ng dalawang bansa at ng pakialamerong Amerika. Iyon naman pala eh, bakit ka pa rin nandyan?! Na-imagine ko na lang tuloy ang Tatay na parang isa sa mga sibilyan na dumadaan habang nakikipagbarilan ako sa larong Operation:Wolf sa SM City. Nang mahawi ang mga usok ng giyera umuwi na ang Tatay. Wala pang isang taon ay nakita ko na naman ang aking sarili na nakasakay sa arkiladong dyip para ihatid ang Tatay sa Airport papuntang Middle East . Ikaw ba naman ang magkaroon ng pinag-aaral na nurse, isang seminarista at tatlo pa sa elementarya.
Kailangang kumayod, kailangang kumita.
Kung tutuusin maraming na-miss ang Tatay sa buhay naming magkakapatid, lalo na sa akin. Wala siya nang una akong magtalumpati sa entablado. Wala din siya nang grumadweyt ako ng elementarya at hayskul. Wala siya nang una akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang inasar ako nito habang binibigay ko ang libreng plastic na singsing na galing sa cheese curls sa kaklase kong babae. Wala din siya para turuan akong magbasketbol tulad ng ginagawa ng mga kapitbahay ko sa kanilang anak. Wala rin siya para panoorin si Kuya na contestant sa Student Canteen at ako naman para sabitan niya ng medalya para sa mga math competition na sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako sa punto ng aking buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng katulad kong nagbibinata- -ang magpatuli. Wala rin siya para turuan akong maglanggas.
Wala siya nang kauna-unahang lumabas ang pangalan ko sa dyaryong pang-estudyante bilang isang editor. Ipinagtabi ko siya ng mga kopya para maipagmalaki sa kanyang pagdating. Wala siya nang una akong tumikim ng alak dahil binasted ako ng dinidigahan kong babae. Wala rin siya nang sumubok akong manigarilyo at itapon ito pagkatapos ng dalawang hithit pa lang. Wala siya, wala siya parati.
Napansin ko na lamang na mas naiibuhos naming magkakapatid ang oras namin sa labas ng bahay at sa eskwelahan. Ang Ate ay kagawad ng Sangguniang Kabataan, ang Kuya naman ay matagal nang kinuha ng seminaryo, ang dalawa kong kapatid ay may mga sarili nang kina-career at ako naman ay natutuon sa aking pagsusulat.
Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko, ang pagdating ng Tatay at sabihing ito na ang huli niyang uwi dahil hindi na siya babalik ulit sa abroad.
Makalipas ang ilang buwan, trinangkaso ang Tatay. Sabi ng doktor ay overfatigue lang daw at kailangan niyang magpahinga. Pagkaraan nang ilang buwan, na-diagnose na may tumubong tumor sa utak ng Tatay at malignant na ito. Minsan naitanong sa akin ng uncle kong doktor kung nauntog ba ang Tatay o nabagsakan ng mabigat na bagay sa ulo. Nahihiyang ngiti, kamot sa ulo at isang "hindi ko po alam" lang ang naisagot ko.
Kung gaano kabilis na nadiskubre ang tumor niya sa utak ay ganun din kabilis na binawi sa amin ng Diyos ang Tatay.
Habang pinagmamasdan ko ang Tatay habang mapayapa itong nakahimlay noong burol niya, nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung tutuusin, hindi ko kilala ang taong ito. Siya ang tatay ko. Kalahati ng pagkatao ko ay galing sa kanya. Pero kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang timpla ng kape, kung allergic ba siya sa hipon na paborito ko, kung San Miguel o Purefoods ba ang team niya sa PBA--isang malaking EWAN lang ang maisasagot ko sa iyo.
Noong bata pa ako, nasa abroad ang Tatay. Kapag nandito naman siya para magbakasyon, mas malaking oras ang nagugol niya sa pag-aasikaso ng mga papeles niya para sa susunod niyang pag-alis. Nang tumigil na siya sa pagtatrabaho, ako naman ang abala sa mga reports, periodical examinations at mga research works. Nang nasa ospital na siya, kahit makipagkuwentuhan ay mahirap nang gawin dahil halos hindi na siya maintindihang magsalita dulot ng chemotherapy.
Matagal nang patay ang Tatay. Minsan nabalitaan kong dumating na ang seaman na tatay ng boss ko, pilit ko siyang pinauuwi nang maaga. Minsan ding buong kawilihan kong pinagmamasdan ang isang kaibigan ko na nagmamadali dahil baka masaraduhan na siya ng grocery. Kailangan niyang makabili ng ingredients ng spaghetti dahil 'yun daw ang bilin ng tatay niyang na-stroke. Minsan rin nang makainuman ko ang matalik kong kaibigan habang binubuhos niya sa akin ang sama ng loob niya sa pagbabalik ng tatay niya na malupit sa kanila nang mahabang panahon at ipinagpalit sila sa ibang babae.
Sa tingin ko lang, "Buti ka pa nga may Tatay pa." Syempre hindi ko sinabi iyon sa kanya. Baka mamaya tanungin pa niya ako kung kanino ako kampi, kami pa ang mag-away. Minsan din sinamahan ko ang kababata ko nang dinalhan niya ng pansit ang tatay niya sa City Jail. Hindi naman sila nagtatanong kung bakit ako ganun. Wala naman silang alam kay Tatay.
Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil masyadong maaga ang paghihiwalay namin ng Tatay. Gusto kong sisihin ang Pilipinas dahil napakahirap ng buhay dito. Sa Amerika ba may tatay na nangingibang- bansa para makapagtrabaho lang? Naisip ko tuloy na sumama na lang sa mga nagpipiket na mga migrante dahil alam ko tulad ko rin sila. Kadalasan rin sinisisi ko si Saddam Hussein at ang Gulf War dahil kinuha nila ang tatlong taon sa buhay ng Tatay. Sayang ang tatlong taong iyon. Nakalaro ko man lang sana ang Tatay ng basketbol o di kaya'y naturuan niya akong mag-bike.
(Beinte anyos na ko nang matuto mag-bike).
Isa sa mga klase ko sa writing ang nagpasulat sa amin ng kahit ano tungkol sa aming mga tatay, samahan pa ng larawan kung maaari. Bigla tuloy akong nalito. Hindi ko alam kung anong tungkol sa Tatay ang isusulat ko.
Ikuwento ko kaya na isang Overseas Contract Worker si Tatay. Isang bagong bayani. Nag-aambag ng malaki sa ekonomiya ng Pilipinas. Sabihin ko kayang may larawan ng tatay kong may suot na hard hat na dilaw, construction boots at may hawak na drill at kasama niyang nakangiti ang mga kapwa niyang Pilipino with matching background na disyerto. O kaya ang larawan nilang magkakababayan habang pinagdiriwang nila ang New Year at nag-iiyakan dahil tinutugtog and Lupang Hinirang. Ang drama no?
Kuwento ko kaya na isang survivor ng Gulf War ang Tatay. Na natutulog siya at ipinaghehele ng mga Patriot at Scud Missiles. Pakita ko kaya ang mga remembrance ng Tatay na mga dull na landmines. Adventure naman ang dating nito.
Kuwento ko kaya kung paano hindi nagpabaya ang Tatay sa pagbibigay ng pangangailangan namin. Hindi kami sumasala sa pagkain, may magagandang damit, maayos na tirahan at nakakapag-aral. Siya ay naging isang good provider. Siguro isang malalim na buntong hiningang "Haaaaaay!" ang ibibigay sa akin ng mga kaklase ko.
O di kaya'y dalhin ko ang picture ni Tatay habang kini-chemotherapy siya.
Ikwento ko din kaya na naging mabilis ang lahat ng mga pangyayari. Na inoperahan siya sa loob ng walong oras at binutasan ang ulo niya. Na nakalabas pa siya ng ospital. Pagkatapos ng isang linggo, agad siyang namatay. Tragic naman ang approach ko nito.
Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong galit na galit sa mundo ang anak dahil hindi ito nabigyan ng sapat na atensyon dahil inuna ng kanilang tatay ang pinansyal nilang pangangailangan. Teka, hindi naman totoo yon eh! Napaka-unfair naman 'nun kay Tatay.
Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang alaala namin kay Tatay.
Apat na taon ako noon. Malinaw na malinaw pa sa alaala ko ang pangyayari.
Kadarating lamang ng Tatay pagkaraan ng dalawang taon. Nagkaroon ng simpleng party sa bahay. Kainuman niya ang mga kumpare niya nang tumayo siya at binuhat ako mula sa kuna ko habang pinaglalaruan ko ang bagong matchbox na pasalubong niya sa akin. Inutusan niya ako na ikuha siya ng beer sa refrigerator. Pagkakuha ko ng beer ay kinandong niya ako at buong pagmamalaki na ibinida sa mga kumpare niya na natanggap na raw ako sa lokal na Day Care Center dahil abot na ng kanang kamay ko ang aking kaliwang tenga kahit idaan pa sa ibabaw ng ulo ko at matatas na ako magsalita at madali raw akong matuto. Matagal din akong nanatili sa pagkakandong niya.
Mistula siyang bagong dating na hari na suot-suot ang kanyang korona. Ako ang kanyang korona.
Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng panghihinayang ko sa mga taong kailangan niyang magtrabaho at mawala sa piling namin. Mga panahong kasama ng mga tatay nila ang mga anak nila. Ito na lang ang isusulat ko. Bago ang lahat, pupunasahan ko muna ang mga luha ko at ang patulo ko ng sipon. Baka mapatakan pa ang keyboard ng computer at ang hawak kong picture. Picture ng isang paslit na may hawak na bote ng beer habang kandong ng tatay na kitang-kita ang kasiyahan sa mukha.
Akala ng mga tao na nasa Pilipinas kapag nasa Saudi ka akala nila madami ka ng pera ng langis. Ang totoo, madamikang utang, dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili mo ng mga gamit mo. Kailangan mo gumamit ng credit card Kasi naubus na ang cash pinadala sa pinas, kase pag hindi ka nagpadala, iisipin nila nakalimutan mo na sila.
Akala nila mayaman ka at marami kang pera kasi buwan-buwan libo-libo padala mo walang palya at kapag pumalya iisipin nila baka nagbisyo ka na o may sinusustentuhang iba. Hindi nila alam food allowance na lang ang natitira sayo at pag kinulang pa umuutang pa at lista muna sa malapit na bakala.Pag may okasyon sa pinas birthday, fiesta, anniversary, pasko, new year, at iba pa, padala ka agad panghanda sarap ng kainan nila, di nila alam ikaw tiyaga sa budget meal, kapsa, noodles o de lata at itlog na nakakabutlig na ng balat, hay naku!
Akala ni Tatay, Nanay, Ate, Kuya, anak, mga pamangkin at iba pa namumulot ka ng pera sa Saudi kada may problema text kaagad, kumusta sa una sa bandang huli kelangan ng ng pera! Hay naku...nakaka-alergic na ang text sa roaming puro gastos...minsan padala ka pa ng load! Load mo nga utang pa Pana! Hay naku bakit ba nauso pa yan dagdag gastos lang talaga at pag di ka pa reply aawayin ka pa!
Akala nila masarap maging OFW at tinatawag na bagong bayani....naku mas masarap pa yong nasa pinas na sa katas ni bagong bayani ay syang umaani! Utang sa Saudi lalong dumarami. Akala nila masarap sa Saudi di nila alam di ka na nga makauwi kasi roundtrip tiket kina-cash pa mapadala lang at ibayad sa utang.
Akala nila sosyal ka na kulay ng buhok mo uso pa at naka-highlight pa, di nila alam buhok mo namumuti na sa stress at problema at pag minalas pa nalalagas pa!
Akala nila masarap sa Saudi kasi pag-uwi mo mestiso ka, maputi at mamula-mula ang balat mo, di nila alam babad ka sa opisina at kulong sa bahay mo dahil no choice ka, mga kapit bahay mo di mo kaano-ano, walang paki-alaman at kung lalabas ka sunog ang balat mo, init ng araw sobra!
Akala nila mayaman ka na kase ay kotse ka na. Di nila alam hulugan pa ito!
Ang totoo, kapag hindi ka bumili ng kotse sa saudi maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa winter na kasama ang asawa mong naka abaya at nakatarha.. O kaya naman tiyaga kang mag -abang ng Saptco o Coaster na ubod ng babaho ng mga pasahero at pagbaba mo amoy putok ka na rin, grabe! Walang jeepney, tricycle o padyak sa saudi .. madami mga pakistani, Bangladesh na driver na ubod ng baho. Pag minalas ka arabo na taxi driver na rapist pa! O nakalibreng sakay ka sa arabo, wasak ang lining mo, hay bwisit talaga!
Akala nila masarap ang buhay dito sa saudi . Ang totoo, puro ka trabaho kase pag di ka nagtrabaho, terminated ka gagawan ka ng kwento ng kapwa mo pilipino!. Hindi ka na pwedeng tumambay sa kapitbahay kase baka mamotawa ka pag kasama mo ang syota mo pero madami Bading matatalinong matsing ang nakakalusot nagpapagawa ng fake na papel para kunwari kasal, ah letse mga imoral!!
Akala nila masaya ka kase nagpadala ka ng picture mo sa Judas Cave, Ramaniya, riyadh zoo, corniche, obhur at ibapang attractions. Ang totoo, kailangan mo ngumiti kase minsan minsan ka lang makakapicture bawal kasi basta basta kumuha ng picture dito makukulong ka.
Akala nila malaki na ang kinikita mo kase riyal na sweldo mo. Ang totoo, medyo malaki pagpinalit mo ng peso, pero riyal din ang gastos mo sa saudi. Ibig sabihin ang riyal mong kinita sa presyong riyal mo din gagastusin.
Ang P15..00 na sardinas sa Pilipinas SAR3.00 sa Saudi , ang isang pakete ng sigarilyo sa pilipinas P40.00, sa Saudi SAR 6.50, alangan namang puro cafeteria food ang kakainin mo aba mamatay ka sa highblood o heap nyan kasi nga umaapaw na sa mantika madumi pa! Mga kadiri , kaya lang pag naubusan ka ng pera no choice you have to take the risk .
Akala nila buhay milyonaryo ka na kase ang ganda ng bahay at kotse mo.nag pa-lypo kay calayan at nagparetoke kay vicky belo, Ang totoo nag loan ka lang sa saab,samba o Riyadh bank na huhulugan mo ng limang taon. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse mo at ng luho mo at ng bansang ito !!kasi nga magloan ba naman dahil sa luho bwahahaha!
Madaming naghahangad na makarating sa Saudi. Lalo na mga nurses at mga medsec at eto pa pati cleaners, mahirap maging normal na manggagawa sa Pilipinas. Madalas pagod ka sa trabaho. Pag dating ng sweldo mo, kulang pa sa pagkain mo. Pero ganun din sa ibang bansa katulad lalo na kaya sa Saudi wala kang outlet ng stress mo !kasi madaming bawal!!! .
Hindi ibig sabihin riyal na ang sweldo mo, yayaman ka na, kailangan mo ding magbanat ng buto para mabuhay ka sa ibang bansa.
Isang malaking sakripisyo ang pag alis mo sa bansang pinagsilangan at malungkot iwanan ang mga mahal mo sa buhay.Hindi pinupulot ang pera dito o pinipitas o iniigib. Hindi ako naninira ng pangarap, gusto ko lang buksan ang bintana ng katotohanan.
Mahirap mangibang bayan...sino ba ang may kasalanan na iwan sariling bayan?
Manilbihan sa dayuhan at malayo sa pamilya ay may kahirapan.
Hangga't may pinay DH na nangingibang bayan na simbolo ng ating kahirapan, kawawang bayan ni Juan patuloy na mapag-iiwanan.
Kaya Juan iwan ka ng pera para sayo, para sa kinabukasan mo.
via Mobile Web
You must read these:
An OFW appeal to Philippine Government Authorities Part 1 Part 2
No comments:
Post a Comment